MENU

 

Himawari

 

Muling nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na mag-ingat at manatiling handa dahil sa tumataas na peligro ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng Habagat at iba pang mga umiiral na weather system. Kasalukuyang nagdadala ng malalakas na pag-ulan ang hanging Habagat sa kanlurang bahagi ng bansa ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Binabantayan din nito ang isang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na namataan sa layong 950 kilometro sa Silangan ng Davao kaninang alas tres ng umaga. Mataas ang tiyansa na maging bagyo ito at papangalanang “Ester”.

Makararanas naman ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa loob ng beinte kwatro oras ang mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon, at mga probinsya ng Cagayan at Isabela. Nagbaba na rin at naglabas ng mga abiso ang NDRRMC sa mga katuwang nito sa rehiyon at lokal na pamahalaan hinggil sa mga karampatang paghahanda at mga aksyon gaya ng pagsasagawa ng evacuation, pag-preposition ng family food packs, pagpapadala ng abiso sa apektadong lugar, at iba pa. Binibigyang diin ng NDRRMC ang paalala sa mga residente na nakatira sa mga mababang lugar, tabi ng ilog at mga kabundukan na mag-ingat sa tumataas na tsansa ng pagbaha at pagguho ng lupa. Gayon din ang patuloy na pakikipag-ugnayan at pagsunod sa mga awtoridad at palaging pagsubaybay sa mga abiso at ulat panahon.

"Tag-ulan na muli. Gaya ng aming laging paalala sa lahat, laging maghanda sa mga bantang panganib gaya ng pagbaha at pagguho ng lupa. Nariyan ang posibleng pagtama ng mga malalakas na bagyo kaya’t ibayong pag-iingat at pagsunod sa abiso ng awtoridad ang ating paalala at patuloy na panawagan sa ating mga kababayan." ani NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad.